Miyerkules, Disyembre 7, 2016

Polusyon

Image result for polusyon sa hangin
Ang polusyon sa hangin ay isang seryosong suliranin ng mundo at maging ng bansang Pilipinas. Ang polusyon sa hangin ay nangyayari kapag nababago ang likas na katayuan ng hangin. Halimbawa na lamang nito ay ang paghalo ng usok, alikabok at mabahong amoy ng basura sa hangin.
Maraming sanhi ang pinagmumulan ng polusyon sa hangin. Halimbawa ay ang urbanisasyon o pag-unlad ng isang komunidad gaya ng Metro Manila. Sa pag-unlad ay kasabay nito ang pagdami ng mga gusali tulad ng mga bahay, paaralan, ospital, kalsada at mga shopping mall dahil sa pangangailangan ng tao. Sa pagdami ng mga tao ay dumami rin ang mga sasakyan na nagbubuga ng makapal na usok. Nandiyan rin ang mga pagawaan na gumagamit ng mga krudo at nagpapakawala ng masangsang na amoy. Sa may kanayunan naman ay kadalasang nagiging sanhi ng polusyon sa hangin ang paggamit ng mga pestisidyo sa pagpuksa ng mga peste sa palayan. Gumagamit rin ng mga pausok para itaboy ang mga insekto sa mga puno at halamanan. Ito ay ilan lamang sa mga nagiging sanhi ng polusyon sa hangin. Masama ang epekto ng polusyon hindi lamang sa mga tao kundi pati sa mga halaman at mga hayop. Ang polusyon sa hangin ay nagdudulot ng ibat-ibang sakit sa baga na maaring ikamatay ng tao tulad ng hika, tuberculosis, empaysema at bronchitis. Apektado rin ang produksyon at ani sa agrikultura dahil ang mga halaman ay bumababa ang kalidad kapag nakakaranas ng polusyon. Ang mga hayop naman ay parang mga tao lang din na nangangailangan ng sariwang hangin. Paano nga ba masosolusyunan ang suliranin sa polusyon sa hangin? Maraming paraan ang ginagawa sa kasalukuyan upang labanan ang polusyon sa hangin. Kabilang na rito ay ang paggawa ng batas na patungkol sa hangin gaya ng Clean Air Act. Sa nasabing batas ay hinuhuli ang mga sasakyang nagbubuga ng maitim at makapal na usok. Nagiging mandatory din ang pagsusuri sa ibinubugang usok ng mga sasakyang bago payagang makapagbiyahe sa lansangan. Sa panig naman ng mga mananaliksik at siyentipiko ay patuloy ang kanilang pagtuklas ng makabagong teknolohiya upang mabawasan ang labis na pagkonsumo sa krudo at petrolyo. Isinusulong din ang paggamit ng sasakyan na dekuryente lalo na sa transportasyon sa halip na krudo o petrolyo. Nagpapakalat naman ng mga impormasyon ang ilan laban sa polusyon sa hangin at patuloy din sa pagtatanim ng mga puno ang ilang sibikong organisasyon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento